Tuesday, July 29, 2008

Napkin

Taong 2004, buwan ng Hunyo, araw ng Lunes, simula na naman ng pasukan. Abala at maagang gumising ang mga kabataan upang magtungo sa kani-kanilang paaralan. Kabilang na ako sa mga kabataang ito. Sa akilng pagdating sa paaralang Sto. NiƱo High School, aking namasid ang iba't ibang mukha ng mga taong labas pasok sa paaralan; may nagkakamustahan hinggil sa nagdaang bakasyon, may kusang nagpakilala sa kanyang sarili upang magkaroon agad ng bagong kaibigan, ang iba'y hindi pa alam kung saan ang kanilang silid-aralan, ang iba'y naghahakot ng upuan at naglilinis at meron ding nagpapa enrol pa.

Sa aking pagpasok sa aming silid-aralan, agad kong nakilala sina Masu at Ryan. Si Masu ay taga Esperanza at si Ryan naman ay taga Rupagan. Kapwa sila bago sa paningin ko. Nakaupo ako sa gitna nila. Sa kanang panig naman ni Ryan nakaupo si Rony. Si Rony ay baguhang estudyante din at hinihinalang nag-graduate bilang valedictorian. Nagustuhan ko si Rony dahil sa naiiba nyang katangian. Naging inspirado akong pumasok araw-araw.

Apat na buwan na ang lumipas at kaming tatlo'y naging matalik na magkakaibigan. Sabay kaming umuwi, mag snack, at minsan nga'y nagbabahagian kami ng aming takdang aralin. Tinuturuan din nila ako ng larong basketbol.

Araw ng Miyerkules, isang linggo na lang, palakasan na namin. Walang pasok ngunit kinakailangan pa ring pumunta sa paaralan. Ang mga guro'y naging abala sa paghahanda at pagpapalow-up ng kanilang mga estudyante. Ang mga estudyante nama'y abala din sa pag-eensayo ng mga sayaw at laro.

Lunes ng hapon, unang araw ng aming palakasan, simula na ng paligsahan sa iba't ibang laro. kaming tatlo ang laging magkasama. Sa amiong silid-aralan, sa may gilid ng aming pisara ay may bakal kaming ikinakabit doon upang gawing ring. Si Masu ang laging nagdadala nito at si Ryan naman ang nagdadala ng bola. Dahil hindi ako marunong maglaro, tinuruan nila ako. Sa aming paglalaro may naramdaman akong kakaoba sa aking sarili kung kaya't ako'y umupo na lamang. Tiningnan ko ang dalawa sa kanilang paglalaro. Tumatawa ako ng malakas na para bang hindi ako makahinga. Sa aking pagtawa, di ko namalayang namantsahan ng dugo ang aking uniporme. Menstruation period ko nga pala! Natabunan ng katahimikan ang aking kasiyahan. Napalingon si Ryan at nagtaka kung bakit ako natahinik bigla. Tinanong ako ni Ryan. Dahil sa may tiwala ako sa kanila, sinabi ko lahat. Kapwa kami walang pera. Si Ryan ay lumabas at di nagsabi kung saan siya patutungo. Pinuntahan pala niya si Rony at doon humingi sa kanya ng tulong. Sa pagbalik ni Ryan ay may dala-dala na siyang napkin. Ibinigay niya sa akin at tinanggap ko naman. Magkahalong damdamin ang aking naramdaman nang sinabi ni Ryan na humingi siya ng tulong kay Rony, subalit huli na ang lahat, nagamit ko na.

Sa bawat araw ng buhay ko, noong hyskul, ako'y nahihiyang tumingin sa mukha ni Rony sapagkat di ko lubos maisip ang kabutihan niya sa akin. Ang karanasang ito'y nagbigay sa aking ng aral, na sa bawat pag-ikot ng ating buhay maging tayo'y nasa ibaba o itaas man ang ating mga kaibigan ay handang tumulong at handang umalalay sa atin.

No comments: